|
Yas
Samahan mo naman ako mamayang gabi. Hindi pwede, may lakad ako. Sige na, kailangan ko ng makausap, puro kapanghian yun, e. Dapat kahapon mo pa sinabi. E, ngayon ko lang nalaman na Awit Awards pala mamaya, e. O, sige na nga. Mag-evening dress ka ha, kasi naka-barong ako, e. Hmp, kung hindi lang kaibigan ng nanay ko ang nanay mo...
Dala-dalawa pa ang "date" ko. Si Bayang Barrios, na isa ring nominee, at si Yas, kababayan ko sa Compostela Valley (dating kalahati ng Davao del Norte). Political Science major sa U.P. Diliman, masayang kausap, militanteng lider ng League of Filipino Students. Very bright. Hawig ni Cindy Crawford konti, pero kahit maganda pa siya, matalino naman.
Para sa akin, dalawa ang mundo ng music industry, pop at saka protest. Ang mga kaibigan ko sa protest ay hindi kilala ng mga kaibigan ko sa pop. At ang mga kaibigan ko sa pop ay hindi kilala ng mga kaibigan ko sa protest. Kaya nang malaman kong na-nominate ang "Lean, a Filipino Musical" sa Awit Awards, pumunta na rin ako out of courtesy.
Dalawampung taon na ako sa music industry pero wala pa akong kahit isang Awit Award. Pero nuong gabing yun, kasama ko si Yas at si Bayang, parang nanalo na rin ako. Sila ay mga tunay na kaibigan, at hindi magkasya ang ilang sentences to give justice to the fact.
As expected, almost pathetic ang production. Ang gulo ng technicals, ang tagal ng umpisa, ang bagal ng sequences. Ang gagaspang ng mga production numbers. Pero nag-survive ako sa torture dahil mayron akong mga matitinong kausap. Pinagtripan na lang namin ang mga sinasabi ng mga presentors at awardees. Ang daming Praise the Lord! At may mga linya pang, "I can't believe this is happening!"
At hindi na nga napigilan ni Yas ang sarili. "Mediocrity taking itself seriously!" Sa isang banda, natuwa ako dahil may mga katulad pa rin ni Yas na hindi impressionable. Pero sa isang banda rin, nalungkot ako para sa mga kapatid kong musikero.
Tama si Yasmin, pero alam ko ring sa gitna ng mga "kababawang" ito, ang karamihan na mga musikero ay mahuhusay at mabubuting mga tao. Pinalagpas ko yun at inintindi.
Pero ayaw tumigil ni Yas. "Kalumpenan! And to think that you are one of them!"
Kaya hindi ko na pinalagpas ito. "I'm sorry for putting you through this."
At medyo napahupa naman siya at tinignan niya ako na parang sinasabing, "Alam mo namang hindi yun ang ibig kong sabihin..." Ehemm, di ko pa pala naikwento, crush ko nga pala si Yas, achuu! Actually may pinuntahan pa kami after that event pero ibang episode na yun ehehe.
Ha! At nanalo nga ako. At huwag ka, hindi lang isa, tatlo-tatlo pa. At pinanalunan ko pa yung pinaka-coveted daw na Song of The Year award. Kaya lang, medyo nawalan na rin ako ng interes sa award. Kasi alam kong may isang tao na nag-iisip ng iniisip ko.
Na sa totoo lang, nanalo ako sa isang paligsahan ng patronage, kababawan at kalumpenan. Mga eklat na awards awards na wala na ngang substance at integrity, wala pang kasamang pamasahe.
-----<>----- |