Palatandaan


Kaya nga ako hindi natuloy sa pagpapari dahil hindi ko maiwan-iwan yung aking girlfriend. Tapos, malaman-laman ko, pwede naman pala!


     Pwera biro, yung kakilala kong pari sa Maynila ay nagdesisyong mag-asawa. 70 plus na. At ang kanyang asawa ay isa namang madre na mga 50 na ang edad.

 

     Yun namang tatay ng kaibigan kong Protestant minister sa Los Baņos, 80 years old nang namatay ang asawa - halos masiraan ng bait at naglalasing gabi-gabi. Kino-console naman ng pinsan ng kanyang yumaong asawa.  At yun na nga po, nagkaibigan sila ehehe. At yung anak niyang pastor pa ang nagkasal sa kanila!


     Nakakainggit ang mga taong hindi natatakot umibig. Yung aking lolo at lola, halimbawa. Bulag na ang lolo ko (pero nakakakita pa dahil isang mata lang ang nabulag) at bingi na ang aking lola (pero nakakarinig pa dahil kaliwang tenga lang ang naapektuhan nang ma-stroke), pero sweet na sweet pa rin sila hanggang yumao si Lola. Minsan nagselos ang lola ko dahil medyo gwapo kasi itong lolo ko (obvious naman sa lahi namin). At hindi siya nakapagpigil at binantaan ang Lolo, "Ikaw, bulag ka, makikita mo ngayon!"

 
     Pero dahil mahal ni lolo si lola, mahinahon na lang itong sinagot ng, "Kahit ginaganyan mo ako, bingi, wala kang maririnig sa akin."


     Oo, ang pag-aasawa ni Father Ton at Sister Mercy ay may malaking bahaging pangangailangan ng kasama sa pagtanda, o companionship, o kausap at katunggali, o nurturing na relasyon. Pero sa ganang akin, ito ay palatandaan ng diwang pagiging rebelde. Mga isip na parating nag-iisip, mga damdaming palaging may pakiramdam. Mga paa at mga kamay na palaging gumagalaw, mga matang palaging nagmamasid. Mga tengang walang tigil sa pakikinig at mga bibig na walang humpay sa kabibigkas ng katotohanan. Sa isang lipunang bida ang mga tuta, sipsep at sutsot na tango nang tango, ang mga matatandang ito ay ang mga tunay na rebelde at aktibista.


     Maalala ko noong 1991, noong nagbotohan ang mga senador sa issue ng base militar. Si Jovy Salonga na matandang-matanda na ay militanteng tutol sa pananatili ng US bases samantalang ang batang-batang si Joey Lina ay gusto namang manatili ang military presence ng mga Amerikano sa Pilipinas. Hindi naman sa pagmamatigas pero nakikita ko talaga na ang kabataan ngayon ay mga monotonous conformists. Walang gaanong nag-uusisa at nagbubusisi sa kalagayan ng nakararami sa lipunan. Walang gaanong nangangahas maghamon ng kaisipan, kamulatan, kaugalian at pamamalakad ng mga bagay-bagay. Sabi nga ng isang estudyante ng UP masscomm sa isang forum, "Bakit natin pag-uusapan yang gutom, e busog naman tayo?"

 

     Sayang lang ang buwis ko sa iyo, hijo.  At ang ibig sabihin nila ng rebelde ay gimik hanggang magdamag, inom, tatoo, hikaw sa ilong, drugs, cross-dressing. Ganun?!  Daily life ang tawag namin dun noh!  Wala akong pakialam kung kulay green and pink ang iyong long hair.  Ang mahalaga, kapakipakinabang ba sa mga nagdarahop ang iyong buhay?

 

     May pa-frat war frat war pa kayong nalalaman.  Kung talagang makikisig at matatapang kayo, mag NPA kayo ay sumama sa rebolusyon!


     Mali si Rizal. Nabuhayan tuloy ako ng pag-asa. Biro n'yo, nag-aalala na ako dahil ang edad ko ay na wala na sa kalendaryo. Saman-talang humihirit pa itong mga kaibigan kong ang mga edad ay wala na sa Bingo!

 

-----<>-----