Pakakasalan Kita sa Lahat ng Simbahan

 

Kawawang Joan at Mandi. Pinaghandaan pa naman ng husto ang kasal. Excited na excited. Gumawa pa man din sila ng makabagbag-kaluluwang programa at mga makabuluhang ritwal na bagay lamang sa dalawang aktibistang ikakasal. Marubdob, maalab, maigting. Mapangahas pati ang pag-iibigan dahil kahit wala silang perang panghanda ay itinuloy pa rin ang kasal.

 

     Ang mga dumalo ang naghanda. Ang komunidad ang nagtimpla ng juice at ang mga kasama sa trabaho at kilusan ang pumuno ng simbahan. Nag-umapaw ang simbahan gaya ng galak sa mga puso ng magkabiyak. Mabuti pa sa kasal, marami ang dumalo. Sa rally konti. Dapat yata may magpapakasal sa mga rally para marami ang pupunta.

 

     At ang mga malapit sa buhay ng magkarelasyon ay may mga mahalagang papel sa kasal. Si Rene na dating seminarista ang naghomily at ang kaibigang si Pastor Nito ay isa sa mga nag-officiate. Ano pa ang hahanapin mo sa isang kasal: ecumenical na, economical pa!

 

     Ngunit ito yata ang isang naging sabit nina Mandi at Joan. Kaya nagalit ang parish priest, at pinatigil ang kasal sa kalagitnaan ng seremonya at binantaang i-invalidate ang kasal at isa na nga sa dahilan ay ang pagtalaga ng protestanteng pastor sa hapag ng dambana.

 

     Naalala ko tuloy ang kwento ng isang madre na gusto nang lumabas sa kumbento.    

        

    "Bakit, sister?" tanong ni Mother Superior.

    "Magpo-prostitute po ako, Mother."

    "Ano?! Susmaryusef! Ano kamo uli?"

    "Magpo-prostitute po ako, Mother."

    "Haaayy," laking luwag ng hinga ni Mother, "pinakaba mo ako ng husto, Sister. Akala ko magpo-protestant ka!"

 

     Hindi ako nababahala sa mag-asawa. Matibay ang kanilang mga panuntunan at matipuno ang pananalig sa Diyos at sa isa't isa. Hindi rin ako nababahala sa kabuluhan ng okasyon dahil sa totoo lang, wala naman sa ritwal ang kasal. Ang kasal ay simpleng proseso lang ng leaving and cleaving. "At iiwanan nila ang poder ng magulang at sila ay magsasama, at ang dalawa ay magiging isa," ika nga ng Kasulatan.

 

     Ang ikinababahala ko ay ang gulang ng pari. Bente anyos lang ito mahigit, batang-bata pa. Samakatuwid ito dapat ang mga isip na progresibo at magdadala sa simbahan sa pagmumulat. Ngunit kung halimbawa'y ganito nga mag-isip ang mga batang pari at pastor, ang ibig bang sabihin ay umatras pa tayo sa halip na umusad sa pagpapayabong ng kamulatang ecumenical kung hindi man pluralista? Magiging fraternities at sororities o exclusive membership clubs na lang ba ang mga simbahan habang panahon?

 

     Kailangan siguro ay puspusang pagpapalaganap ng ecumenical na diwa ng Vatican II (1965) at PCP II (1995) kundi ay baka sa susunod mananalangin na tayo na huwag sanang diligin ng ulan ang bukirin ng mga magsasakang iba ang relihiyon kaysa atin!

 

     Nuong huli kong makausap si Mandi, ang sabi ay uulitin na lang daw ang kasal, pati na rin daw ang pagbibigay ng regalo. Nakini-kinita ko na ang sasabihin ng magkakasal sa kanila.

 

     "Kayo Joan at Mandi.. kayo na naman?!"

 

-----<>-----