Our First Ever Olympic Gold


19 Olympics na tayong sumasali sa Olympics. Sa 19 times na yan, ang nauwi nating medalya ay 8. Mahigit 200 na gold medals ang pinaglalabanan every 4 years. Ang koponan natin in recent years ay nasa mga dalawang dosenang manlalaro. Ang populasyon ng Pilipinas mahigit 70 million. Ang gold medal natin so far, zero.


     At kada-Olympics na lang ay pinagtatalunan natin kung alin nga kayang event tayo unang magkaka-ginto. At kung ibabatay sa napanalunan so far, sa walong medalya, lima doon galing sa Boxing. Natural, umaasa ang karamihan na nasa ating mga boksingero ang pag-asang magkakaron tayo ng ating first-ever Olympic gold.


     Bakit, anu-ano ba yung mga events na sa tingin natin ay wala tayong laban? Bakit hindi Archery, e matagal nang nangangaso ang mga ninuno natin. Hindi nga lang bull's-eye, kundi baboydamo's-eye. Ba't hindi Shooting, e ang hihilig natin sa barilan at cheap movies. O di kaya Handball? Gaano na ba kahirap yung ilalagay mo ang hand sa ball.


     Maganda pa naman ang umpisa natin. Unang salta pa lang ng mga Filipino athletes, sa Amsterdam 1928, nanalo na agad si Teofilo Yldefonso ng bronze sa Swimming. At sa sumunod na 1932 Los Angeles Games, tatlo! Simeon Toribio sa Track and Field, Cely Villanueva sa Boxing at second medal ni Yldefonso sa Swimming. Pero mula noon, 1964 na uli tayo nagka-medalya, kay Anthony Villanueva sa Boxing. At alam na natin ang maganda-gandang tatlong sunod na Olympics tayong may medalya sa Boxing. Leopoldo Serantes, Seoul 1988; Roel Velasco, Barcelona 1992; at syempre pa, si "Onyok" Velasco, Atlanta 1996.


     At bakit napakailap ng gintong gold na yan? As usual, dalawa ang paliwanag natin palagi. Either minalas o dinaya. O, siya, siya. Pero maaring may mas malawak pang mga dahilan. At isa na riyan ang basic concept ng Sports. Pangit nga lang yung translation sa tagalog, Palakasan. Mas akma siguro ang Pagalingan. At sa mga laro ng pagalingan, walang kalaban-laban ang isang bayang ang daming maysakit. Pagamutan nga wala, pagalingan pa! Kakambal ng sports ang health. At ang kalusugan ng general population ang magbibigay ng balon ng mga magagaling na atletang Pilipino. Ngunit maliit na item ang health sa ating national priorities.


     Ang ikalawa ay maaring makikita natin sa ating mga inani sa Olympics so far. Sa walong medalists, yung dalawang Villanueva ay mag-ama, samantalang yung dalawa namang Velasco ay magkapatid. Maaring overstretching ito. Pero maari rin kayang isiping hindi pa umabot sa antas ng national passion ang sports, kundi mas family matter pa lang ika. At maaring extension din lang ito ng level na ating national consciousness and identity. Kungsabagay, kahit naman politics natin, family matter din.


     Pero ito wala nang hulaan. Ang dapat nating tutukan at bigyang diin na event ay yung sanay na tayo at hiyang sa ating pagka-Pilipino. Kaya kung ako lang, ibuhos natin ang buong national budget sa Weightlifting. Tiyak yun! Dito tayo makakakuha ng napakaraming medalyang ginto, with our 70 million well-trained athletes. Dahil kung sa pasanin din lang, may mas bibigat pa ba sa presidente ng Pilipinas?

 

-----<>-----