|
My Vasec is Over the Ocean
Ang ligation at vasectomy ay paraan ng pagpigil ng pagbubuntis na kung tawagin
ay sterilisation. Ito raw ang pinakaepektibong paraan ng birth control at ang
chance na sumablay ay 0.4% lang kumpara halimbawa sa pills (1-4%), sa IUD (4-6%)
o sa condom (8-14%). Bagay ika ito sa mga medyo may edad na at ayaw nang
magkaanak pa, mga 35-40 yrs old pataas. Ang vasectomy ay sa mga lalake at ang
ligation ay sa mga babae. Pero dahil surgical ito at pinuputol ang tubes na kung
saan dumadaan ang sperm o egg cells, medyo may kahirapang maibalik sa dati kung
halimbawang gusto na namang magkaanak.
Naalala ko tuloy yung kwento ng isang vasectomy clinic na may katabing lotto
outlet. Dahil sa haba ng pila sa lotto, yung iba ay di-sinasadyang napapapila sa
katabing maikling pila ng mga magpapavasectomy. At ganun na nga ang nangyari. Sa
halip na tumama sila sa bola, yung bola nila ang tinamaan. At doon na nanggaling
ang jingle na My Vasec Is Over The Ocean.
My vasec is over the ocean
My vasec is over the sea
My vasec is over the ocean
O bring back my vasec to me
Kung tutuusin, ang vasectomy ay di hamak na mas simpleng operasyon kaysa
ligation. Ito ay kalahating oras lang sa isang simpleng clinic, ang ligation
kailangan sa ospital surgery unit. Ang kailangan lang sa vasectomy ay local
anesthetic. Ang ligation kadalasan kailangan walang malay ang pasyente. Dalawang
araw lang ang recovery period sa vasectomy samantalang isang linggo sa ligation.
Pero bakit di hamak na mas kakaunti ang mga lalakeng nagpapa-vasectomy kaysa
babaeng nagpapa-ligate? Kung ayaw ninyong maniwala, tanungin ninyo ang inyong
sarili at mga kaibigan kung ilan ang kilala ninyong naoperahan ng tubal ligation
at ilan naman ang sa vasectomy.
Mas mura rin ang vasectomy, taymis-three ang gastos sa ligation. Pero bakit sa
mga mag-asawang nagdesisyon na huwag nang magkaanak, ang babae ang malimit
maoperahan? Ang kadalasang idinadahilan ay kasi pag nanganak ang babae at
naaalala ang isyu ng pagdami ng anak, tutal nasa ospital ka na rin lang, e di
ituloy na ang operasyon sa ligation para isahan na.
Pero ang ugat ng may ugat ng usaping ito talaga ay ang pagka utak-macho ng
kultura ng mundo. Baka ika mabawasan ang kanilang kakayanan sa sex. O baka ika
hindi na kasing sarap makipag-sex pag ikaw ay navasectomize na. Kahit walang
scientific evidence ang mga pangambang ito, ang pangunahing isinaalang-alang na
konsiderasyon ay ang tingin at kapakanan ng mga lalake.
Que kayo ay pro-life o pro-choice o limited methods o kung ano, ito ay
nagpapatunay lang na sa mundong hindi pantay ang turing sa mga tao, binubuhat na
nga ng mga babae ang pasanin ng panganganak, binubuhat pa rin ng mga babae ang
problema ng pagpigil ng panganganak.
Come to think of it, kung ika'y isang masunuring Katoliko, hindi ka na nga pwedeng
magpavasectomy, hindi ka pa pwedeng tumaya sa lotto.
-----<>-----
|