Murang Sahod sa Mahal na Araw

 

From Balintawak to Rosario Junction (bago umakyat ng Baguio), mga four hours. From Junction to Vigan, kulang-kulang dalawang oras. Vigan to Laoag, isang oras mahigit; at Laoag to Pagudpud, isa't kalahati pa uli. Kaya kasama na ang almusal, toilet stops, yosi break at kape-kape, mga ten hours na regular highway driving (80-90 kph), nasa Pagudpud ka na.

 

     Halos dulo na ito ng Ilocos, kaya sayang naman kung hindi ka tatawid sa Cagayan papuntang Eastern side ng North Luzon. Habang patawid ka sa Cagayan, maghahalo ang South China Sea at Pacific Ocean at madadaanan mo ang Patapat. Kung saan may tulay na "dinikit" sa bundok habang bumabaybay sa shoreline!

 

     Nuong isang linggo, nahatak ako ng mga kaibigan sa Los Baņos para mag-Holy Week sa Pagudpod. Lumakad (o, siya, sumakay) kami ng Martes ng hatinggabi and before midday, nasa Saud beach na kami. Walang bakanteng kaya nagkasya na lang kaming mag-overnight sa isang nipa shed. Ayan kasi, tutulak ng walang plano. At ang daming grupong galing ng Manila na ganun din ang ginawa kaya mukha kaming mga refugees na naka-summer get-up.

 

     Kaya raw tinawag na Pagudpud kasi pagod ka na, pudpod pa ang gulong mo sa layo. Pero sulit na sulit ang biyahe. Longganisang Vigan, empanadang Laoag, bagnet (pinsan ng crispy pata), pako (ferns), pinakbet, igado, mangga, at siyempre, ice-cold beer! Terrific din ang mga sights. Lumang simbahang panahon pa ng Kastila, magagarang museums, endless shoreline, sunsets, yes!

 

     Pero para sa akin, ang pinakasulit pa rin naming napuntahan ay isang "undeveloped" stretch ng beachfront sa unahan lang ng konti ng Pagudpud, malapit sa isang kinalawang na na barkong lumubog. Pebbles ang baybay at walang mga resorts. Isang barkada ng mga grade schoolers ang naabutan namin sa isang lukay at kawayang silungan na gawa raw ng tatay nuong isa. "Ano'ng gusto mong maging paglaki mo, Marife?"

 

     "Teacher po." Nagunaw ang aking puso nang marinig ko ang sagot ng paslit na anak ng mangingisda. Sa murang gulang naintindihan niya ang dignidad na kakambal ng trabaho. Mahirap ang teacher lalo na sa isang rural na baryo, pero ang dangal ng pagiging manggagawang guro ay walang kasing ningning...

 

     Speaking of manggagawa, nung isang araw din, nahatak din ako ng aking mga kaibigan sa Maynila na sumama sa rally ng Labor Day. Ikatlong speaker pa lang ang nagsalita, unti-unti nang kumonti yung crowd. Sana mali ako, pero ang tingin ko, hindi yata nag-enjoy ang mga manggagawa sa mismong araw na laan para itanghal ang dangal ng paggawa. Sabagay walang dahilan upang sila ay magdiwang. Si Erap na mismo ang nagbasura ng mga hinihinging overdue na wage hike. At ang lahat ng usapin ay nauwi na nga sa "costings".

 

     Bukod sa footages ng isang "battering ram" na pinambunggo ng mga rallyists sa barricade ng mga pulis (na sa tingin ng ilang tao ay creative but unproductive), ang Labor Day 2000 ay forgettable.

 

     Baka pwede sa susunod na taon, baka pwede lang naman, habang militanteng sinusulong ang mga usaping labor, may kasabay ding picnic fair ng mga manggagawa at ng kanilang pamilya. At mai-highlight din ang kabuluhan at integridad ng pagtrabaho bilang bokasyon. At ang Labor Day ay hindi maging Laborious Day.

 

-----<>-----