|
Minda Now and Minda Then
"Saan ka nga pala lumaki?" Yan ang pinakanakakainis sa lahat ng mga tanong. Kita
na nga nila na hindi ako lumaki, magtatanong pa.
Pero pwera tistis, circa 1966, sa maliit na baryo ng Maco, Mabini, Davao del
Norte (ngayon ay Compostela Valley). Ang hilera ng mga bahay sa gilid ng bakod
ng Aguinaldo Development Corporation ay nakaharap sa Compostela mountain range.
Lalakad ka lang ng mga dalawang kilometro pasilangan at nasa gitna ka na ng
masukal na gubat. Mga hardwood na ang tataas at ang lalaki. Sa isang maluwag na
ilog ay may mga bagsak na mga matandang puno na kinakahoy naman ng mga tao para
gawing panggatong. Naalala ko tuloy si Janelea..
Tagala siya, tawag namin sa mga Tagalog-speaking. Bagong salta sa aming
maliit na bayan, transferee sa aming maliit na high school. Maganda siya, hindi
dahil sa maputi at mahaba ang buhok at ika nga ay sexy. Nagandahan ako sa kanya
kasi masarap siyang kausap. Tanong nang tanong at sagot nang sagot. Isang
Sabadong dapithapon, sinama ko siya sa gubat minsang ako ay nangahoy. At
naligo siya sa batis na halos walang tapis.. Ay! Maling section pala ito!
Balik muna tayo sa Opinion page. Tuloy-tuloy ang ilog sa mayamang dagat naman ng
Davao Gulf. Ngunit hindi mo na kailangang tumuloy pa sa dagat para maghanap ng
ulam. Sa ilog pa lang ay marami ka nang hito at alimasag na mapapana o masisilo.
Pero, syempre, mas marami sa dagat. Kaya sa baybayin ay naglipana ang mga bahay
ng mga kaklase kong mga Muslim na ang hanapbuhay ay pangingisda at paglalako ng
kung anu-ano. May sariling bokabularyo pati sila sa paninda. Sigarilyo sa ilong
(Vicks inhaler), ismagol (tsinelas), salongbola (brief), antipara sa suso (bra).
Ay! Maling section na naman!
Balik uli tayo sa Opinion page. At tuwing pista at pasko, naku, nagbababaan ang
mga Ata para magkaroling. Lumad ang tawag namin sa katutubo. Mga grupo
sila ng tatlo hanggang lima na sumasayaw at nag-cha-chant. Ang gaganda ng mga
hand-made na mga suot at mga brass rings sa leeg, braso, kamay at paa. Ang
pangtugtog naman nila ay mga kawayan at hegalong (gaya ng gamit ni Joey Ayala).
At dahil sa nganga, ang pupula ng kanilang mga lips! At pag nakaalis na sila,
gagayahin naman naming mga bata ang ginagawa nila, at hihingi rin kami sa
maybahay. Pero hindi kami binibigyan!
Sa loob lang ng dalawampung taon, nakalbo ang gubat, natuyo ang ilog at nalason
ang dagat. 1977, sinalanta ang aming maliit na bayan ng isang Mining disaster
kung saan ang dami kong kaklaseng namatay. At sa kauna-unahang pagkakataon,
bumaha nuong 1992 sa Davao-Tagum highway at nasira ang mga palayan. Hindi ito
unique sa Mindanao, ngunit mahirap asahang ang solusyon sa krisis sa Mindanao ay
manggagaling sa mga taong walang malasakit sa nakaraan ng Mindanao.
At ang nakaraan na ito ay maari naman din sigurong maging balangkas sa isang
Bagong Mindanao. Isang Mindanao ng mga lumad, Mindanao ng mga Muslim, Mindanao
ng mga Bisayang katulad namin at maging mga migranteng galing sa Luzon na
katulad ng minsa'y aking sinisintang Janelea.
-----<>-----
|