May itatanong ako sa iyo..

 

"Basta huwag lang Math!" Kung mayron mang isang bagay na hindi ko talaga maintindihan mula pa sa elementary school, ay yung takot ng marami sa Math subject. Para itong durian. Hating-hati ang mga tao. May ayaw na ayaw at halos masuka sa amoy ng durian, samantalang ang iba naman ay halos mabaliw sa sarap at linamnam ng mahiwagang prutas ng Mindanao at mga karatig isla.

 

     Kasama na ako sa mga nahihibang sa durian. Para sa akin, kung mayron mang masasabing 8th wonder of the world, wala nang iba yun kundi ang durian ice cream. Mas pipiliin kong talikuran ang simbahang Katoliko at Protestante at matiwalag sa Iglesia ni Kristo at ni Batman, kaysa huwag kumain ng durian!

 

     Kaya mahirap maintindihan ang takot ng marami sa Math ay dahil sa dalawa o tatlong bagay. Una, nakakaaliw ang Math. Ang mga laro halimbawa ay walang dating kung walang Math. Ang basketball, chess, baseball, scrabble, pusoy, tong-its, 9-ball, name it!, walang saysay kung walang bilangan o score. Ikalawa, ang iba't ibang gawain ng sangkatauhan ay nakasalalay sa Math. Halimbawa, kung walang math, particularly trigonometry, hindi makakarating ang barko sa destinasyon nito. At kung makulit talaga tayo, sabihin na nating kung walang math, walang barko!

 

     Parang durian, except that, di hamak na mas marami ang nanginginig pag nakarinig ng salitang "math". At ito ay walang pinipiling relihiyon, probinsya o idolohiya. May mga Muslim at Kristiyanong galit sa math. May mga Bisaya at Ilokanong galit sa math. At may mga pulis at NPA na galit din sa math. Kaya kung nag-iisip kayong magbuo ng bagong party list, malamang may panalo ang MATH o Mamamayang Ayaw at Tutol sa matH.

 

     And speaking of party list and Math, ito ang kahungkagan ng mathematics ng party list. Ang nakalaang party list seats ay 52. Ang dami ng party list groups ay more than 200. Therefore, the average expected share ng bawat party ay one-half percent. Pero ang kailangan ng isang party para manalo ng isang seat ay two percent! In other words, ang laki ng posibilidad na walang partidong mananalo.

 

     At kung susundan natin ang "curve" o trend ng nakaraang party list results, 13 lang ang lumusot. Sa isang simpleng kwenta, kailangang times-four ang kailangang base votes para mapuno ang 52 seats. Simpleng solusyon lang ang kailangan. Damihan ang pwedeng iboto ng bawat botante para sa party list.

 

     Pero kung nakakalungkot ang napakadehadong laban ng mga party list hopefuls, mas nakakalungkot isiping nitong nakaraang tatlong taon walang seryosong petisyon ang mga "party-listers" para i-correct itong gross error na ito. Ang suspetsa ko, it could be that parochial instincts get the better of party listers themselves. Mas gugustuhin pa nilang konti lang ang makaupo kesa makapasok ang ibang grupo.

 

     Kaya mahalagang ipaunawa mula pa sa pagkabata na ang math ay pumupulupot sa buong buhay. Bakit nga ba? Dahil ang math ay synonym lang ng "logic". Pag-ibig lang yata ang hindi nasasakop ng math, paano naman kasi, wala namang logic ang pag-ibig! Naks, alam na alam ko yun huhuhu.

 

     And speaking of logic, may logic din namang magtayo ng anti-Math na party list. Dahil kung wala nga namang math, walang dagdag-bawas. Mabuhay ang MATH!

 

-----<>-----