|
Martial Law
1969 National Elections. Nagtayo sila ng alternative na partido sa Davao na tinawag nilang Kamayan Party. Noong araw kasi, dalawang parties lang ang bida: Nacionalista at Liberal. Tinalo ni Ferdinand Marcos ang incumbent na Diosdado Macapagal sa 1965 Elections at naghahangad ng re-election ang Pangulo sa 1969. Dahil sa napapansing pagiging gahaman ni Marcos sa kapangyarihan, nangamba ang ilang mga grupong kagaya ng Kamayan Party. At ang madalas nilang sinasabi ay, "Kapag nagkamali tayo ng pasya sa eleksyong ito, ito na ang huling eleksyon sa buhay natin!"
Sa buong probinsya, halos walang pinanalunang pwesto ang Kamayan. Paano raw kasi, ang mga kandidato nila ika ay nakakatakot. Isa na si Ka Memong na ang apelyido ay Patayan. At yung aking tatay na ang apelyido naman ay Granada.
At nagkatotoo nga ang kanilang mga sinabi. Ang 1935 Constitution ay nagsasaad na ang term ng Presidente ay 4 years at maari lamang siyang magiging presidente ng maximum of 2 terms. Kaya bago sumapit ang 1973 elections, nagdeklara ang nanalong Presidente Ferdinand Marcos ng Martial Law noong 1972 at sa susunod na 15 years ay walang magaganap na malayang elections sa bansa.
Sumakabilangbuhay na ang aking ama. Samantala, minsan-minsan ay nakikita ko pa si Ka Memong. Noong isang taon ay nalimbag ang kanyang librong "Struggle". At sa gulang na 86, bilang founding chairperson ng MASIPAG (Farmer-Scientist Partnership for Development), siya ay nangunguna sa pakikibaka laban sa pagkaubos ng mga binhing mas kapakipakinabang sa mga sakahan at bukirin sa Pilipinas.
Samantala, lalo pa sa mga kabataang nasa elementary at high school, ang Martial Law ay alien sa kanila. Paano nangyari ito? Tama nga siguro ang ilang nagsasabi na maiksi ang memory natin kaya hindi tayo natututo sa kasaysayan. Pero mas tamang sabihin na talagang hindi natin maaalala ang history ng Martial Law dahil unang-una hindi natin sinulat ang history nito.
Halimbawa na lang, ang mga biktima ng Martial Law. Wala sa textbooks ang mga pangalang Tulio Favali, Johnny Escandor, Lorena Barros, mga martir ng Escalante at libo-libo pang iba. Paano nila maaalala ang hindi man lang nila nababasa?
Obvious na naman kung sino ang dapat singilin, kaya pag-isipan na lang natin kung ano ang pwedeng gawin. Ang isa, kahit suntok sa buwan, sang-ayon tayo sa mga nagsasabing magtayo ng Truth Commission para maikwento nang totohanan sa mga textbooks ang kwento ng Martial Law. Isa pa, suportahan ang mga nagmumungkahing maglagay ng mga markers sa mga dakong kung saan may na-salvage o dinukot noong panahon ng Batas Militar. At isa pa, ang mga kolehiyo ay maaring magdevelop ng required course sa Martial Law. At pwera biro, gumawa ng tele-novelang tipong "Mula sa Puso ni Imelda".
Pambihira naman kasi, isipin n'yo naman kung ano ang sumasagi sa isip ng kabataan pag narinig nila ang Martial Law. Isang pulutong ng mga jologs na mga estudyante ng U.P. pa ang nakamalasan kong natanong. At sinagot din ako ng tanong, "Sister ni Ricky?"
-----<>----- |