Jueteng for Godot

 

Chance. Kung bakit naman kasi, sa dinami-dami ng posisyon sa gobyerno, Presidency pa ang tinamaan ni Erap. Mas bagay sana sa kanya perpetual Vice President.  Maganda ang slogan: "As vice president, gagawin kong bisyo ang serbisyo!" 

 

     O di kaya ay ang Minister ng DA. Dahil mahusay itong magpalaganap ng agree culture. At kahit nga yung mga matitino naman at mukhang may isip din, na kagaya ni Dong Puny, ay nag-a-agree sa kanya. O si Gerry Balato, na sinasabi namang may prinsipyo, ay nag-a-agree din na walang masama ang tumanggap ng ambun na pera galing sa Presidente.

 

     O di kaya, siya na lang sana ang in-charge sa Housing. Di hamak na malawak ang kanyang karanasan sa pagpapatayo ng mga bahay ng mga maybahay.

 

     But we deserve all these. Para tayong mga tauhan sa dula ni Samuel Beckett. Kung saan si Vladimir at si Estragon ay dalawang istambay na naghihintay kay Godot. Sa ilalim ng isang punong baluktot, wala nang ginawa ang dalawa kundi magpalipas ng oras para maibsan ang inip sa kanilang paghihintay sa isang sasagip sa kanila sa buhay na walang katuturan.

 

     Ni wala silang idea kung ano ang itsura o sino ba talaga yung hinihintay nila. Ni hindi nila alam kung doon nga dadaan si Godot kung darating nga si Godot. Basta may nagsabi lang na dadating si Godot. Minsan tuloy napagkamalan nilang si Godot ang napadaang si Pozzo na may sunod-sunurang alilang si Lucky. At kung anu-ano na ang kanilang naisip para lang magkaroon ng pagkaka-abalhan. Nariyang inisip nilang magbigti, pero masyado naman daw risky. At nariyan namang naisip nilang insultuhin ang isa't isa para hindi magiging boring ang kanilang usapan.

 

     Ang pinaka-catch sa lahat ay si Estragon ay walang memory.

 

     At si Vladimir naman ay may duda sa kanyang naaalala. Kaya iniiwan nila lahat ng kanilang pag-asa sa pagdating ng isang Godot sa kanilang mundo. At sa kabuuan ng kapita-pitagang dula, wala ring nakakaalala sa kanila.

 

     At ang lahat ay nauuwi sa Chance. Chance na may dadating na isang taong tutulong sa atin para maahon tayo sa kahirapan.

 

     Na sana may isang darating na mayaman sa buhay at bayan natin at kupkupin tayo. At wala tayong idea kung sino sa kanila si Godot. Kung grupo ba ni Gloria, Ramos, ni Cory, Erap, ang mga Marcos, ang mga Rightits o mga Leftits. At wala tayong recollection kung paano tayo pinagsamantalahan at patuloy na pinagsasamantalahan ng mga ito hanggang sa kasalukuyang krisis.

 

     Chance na sa 37 numbers sa jueteng o di kaya sa Bingo 2-ball ay mahuhulaan na tumataya ang tamang pagkakasunod ng dalawang numerong lalabas! Na actually ay 1-out-of-1,369. Na kung mananalo ang piso ng 700, pagkataya pa lang, kumita na ng 49 centavos ang operator sa bawat pisong taya.

 

     Chance na ma-impeach si Erap. Chance na matino ang papalit kay Erap. Chance na sana matino na sana ang papalit ng papalit kay Erap. Pustahan tayo, paulit-ulit nating gagawin ito sa sinumang maging presidente. Oh for Godot's sake!

 

-----<>-----