Jamming with Death


May isang headline ng tabloid na matagal-tagal ko ring pinaskil sa dingding ng aming makipot na music programming studio. Isang paalala sa mga mahilig sa music. In very bold letters, nakabalandra sa buong frontpage: SINTUNADO, SINAKSAK 29 BESES. Mula noong mabasa ko yun, nagkaroon ako ng phobia sa mga sing-along bars. Baka kasi makulong ako!


     Baka nga siguro magandang negosyo ang insurance policy sa gates ng mga KTV bars. Pero kung health hazard para sa mga hobbyists ang kumanta sa harap ng madla, di hamak na mas risky ang tumugtog bilang professional na musikero sa mga beer gardens at folkhouses. Pag pinaghalo mo ang tugtog na dapat masarap pakinggan sa sobrang lasing ng alcohol na nakakabingi, madalas mauuwi sa asaran.  Kadalasan ang kostumer ay naiingayan sa tugtog na hindi niya alam. At ang singer naman ay naaasar sa mga miron na hindi nakikinig at ang lalakas ng mga boses na parang nagsisigawan habang nagkukwentuhan.

 

     Pero ang promotor talaga ng mga kiskisang ganito ay ang table napkin o tissue paper. Dito kasi isinusulat ng mga demanding na kostumer ang mga REQUESTS. Pag hindi alam o hindi type ng performer na kantahin, ayan na. Ang dami ng kaso ng mga musikerong nabubulyawan, nabugbog, nabaril, nasaksak o tinapunan ng granada.  Kahit ang pinakamagaling na folksinger sa balat ng lupa na si Noel Cabangon ay minsan tumakas sa isang gig sa dating Pook Luntian para makaiwas sa isang militar na may dalang baril.

 

     Ako man ay natutukan na rin ng kutsilyo dahil hindi ko kabisado ang kantang Knife.  Kaya pag may militar o pulis o basagulo o siga sa audience, sabay intro ng, "I would like to greet my friends from the Inquirer.."  Lalo palang napasama at maraming galit sa Inquirer!


     Pero ang kaso ni Saro ay kaibang-kaiba. Unang-una hindi siya sintunado. Ang kanyang tinig at gitara at, higit sa lahat, isip, kamalayan at pandama, ay nakatono sa musika ng kanyang paligid. Ang matalas na pagsusuri sa mga laganap na realidad ay matining na bumubulwak sa kanyang mga komposisyong niyakap ng tatlong henerasyon. Sa kanta na lang na Balita, sulit nang masabing si Saro Baņares ng Asin ay nagpayaman sa ating mga buhay.


     At ikalawa, ni hindi man lang niya gig noon. Nandoon siya sa KTV bar, isa sa mga kostumer. At sa isang iglap, ang isang makabuluhang buhay ay tinawaran lang ng mga hampas ng bote ng beer sa ulo at isang bala. Tatlong magigiting na magkakapatid ang may sala. Ang pasimuno ay isang lawyer na minsan ay sumumpa na ilaan ang buhay para ipagtanggol ang mga mahihirap at maliliit na mamamayan mula sa kamay ng mga sakim.


     Minsan pa ay napatunayang maliit lang ang diperensya ng spelling ng abugado at abusado. At sa halip na magpakumbaba, nais pang kumbinsihin ng mga ito na isang "aksidente lang" ang nangyari.  Salamat naman at na-convict ang mga ito. Pero huling hirit na lang. Ang talagang bumagabag sa akin ay ang sinabi ni Cataluņa sa kapatid ni Saro, "Sorry Bing, hindi ko alam na kapatid mo pala si Saro."

 
     Bakit Attorney, tinuro ba sa inyo sa law school na okay lang manakit ng kapwa pag hindi mo kilala?

 

-----<>-----