In the Name of the Pader


Ang sabi ni Robert Frost, where there are cows, good fences make good neighbors. At siguro nga naimbento ang bakod dahil sa mga baka. Pupusta ako, ang root word ng bakod ay baka.


     Hindi biro ang maging bakod. Kung totoong may reincarnation, ayaw kong maging pader. Ilalagay ka sa isang lugar at hindi ka na makakaalis doon. Hanggang ikaw ay mabulok o masira ng ulan o mabuwal ng lindol o maabo sa sunog. Wala kang magagawa.


     Galit sa iyo ang mga hinahabol ng aso. Galit sa iyo ang mga magnanakaw. At lalong-lalo na ang mga convicts. At ang mga magkakapitbahay na nag-aaway ay malimit ikaw ang dahilan.


     Magsisigawan sa tapat mo. At madalas bubudburan ka ng mga basag na bote o barbed wire. Ang mga bata naman ay gagawin kang target practice sa baril-barilan, panangga sa tumbang-preso o basta babatuhin na lang nang walang dahilan.


     Galit sa iyo ang mga makata at manunulat. Kesyo mas mabuti raw na gumawa ng tulay kaysa gumawa ng pader, ek. Synonym ka ng misunderstanding, elitism, fascism, repression, miscommunication, divisiveness, selfishness at kung anu-ano pang salot sa diksyunaryo.


     Galit sa iyo ang mga political groups. Pipintahan ka ng mga batang aktibista ng IMPERYALISMO IBAGSAK! sa gabi habang walang nakakakita. Tapos, buburahin naman ng mga taga-gobyerno kinabukasan. Tapos papalitan ng sarili rin nilang reaksyunaryong slogan na tulad ng CPP-NPA-NDF HULI NA SA PANSITAN!

 

     At pag may eleksyon, didikitan ka ng patong-patong na mga posters at stickers. At pag nagkataon, bubuwagin ka na sa pangalan ng demokrasya, gaya ng Berlin Wall.


     Galit din sa iyo ang mga negosyante. Pag may bagong produkto o pakontest o raffle, yari ka sa mga "see posters and print ads for details". Ano'ng POST NO BILL, POST NO BILL?!


     Ngunit ang pinakamasahol sa pagiging pader, wala ka na ngang sinasabi, tapat na naglilingkod ka ng tahimik, hindi ka nagrereklamo, pero pag nakursunadahan ka, iihian ka pa! Papanghi ka at iismiran ka ng mga dumadaan. (At least, ang gulong ay nakakatakbo at nahahanginan kaya nawawala ang amoy pagdaka.)

 

     Ngunit hindi mo rin sila masisisi. Imagine ka, matrapik, naiihi ka na, puputok na ang pantog mo, at walang toilet na malapit.


     At ito na lang ang aking pakiusap sa mga opisyal natin. Sige, kung hindi na tayo makakaasa ng clean government, pwede ba, kahit clean toilet na lang? O pareho lang ba yun dahil government equals toilet?

 

     Kahit isang ihian lang bawat apat na bloke. Ano ba naman yung konting semento, yero at tubo? Iboboto ko na si Erap, makagawa lang siya ng mga kubetang bayan na puwedeng ihian ng hindi lang naman mga kamag-anak niya at kaibigan.


     Ihian na ng mga kaibigan at kamag-anak nila ang stock market, ihian na nila ang mga government owned and controlled corporations, ihian na nila ang mga bidding procedures sa mga government contracts. Pero tirhan naman kami ng maiihian din namin!  Please, please lang. I pray in the name of the pader.

 

-----<>-----