Hiwalay Kung Hiwalay

 

Yun daw ang pagkakaiba ng Physics sa Pag-ibig. Sa physics, no two things may occupy the same space at the same time. Pero sa pag-ibig, kaya raw sa isang puso hanggang mga apat o limang minamahal! Medyo may pagkaromantiko nga lang tayo kaya ako ay big fan pa rin ng "one true love".

 

     At dahil sa laganap na practice ng divorce, kailangang minsan pa ay igiit ng Vatican ang pagbabawal sa mga diborsyada at diborsyado na mangomunyon. Pero sa mga na-annul ang kasal, pwede. Kasi raw, walang bisa ang kasal pag na-annul!

 

     At nauwi na naman ang Simbahan sa hopeless case ng denial at technicalities. Walang iniwan ito sa pagkondena ng mga madre at pari na minsan-minsan ay totoong nakadadama at nakararanas ng pag-ibig sa kapwa pari o madre o layko. O di kaya sa mga born-again o Dating Daan o Iglesya ni Kristo na naniniwala at nagmamalaking sila lang ang may monopolyo ng katotohanan at kabanalan.

 

     Kung tutuusin, di hamak na mas may integridad ang divorce kaysa annulment. Mas makatotohanang sabihing hindi umunlad ang pangako ng minsa'y totoong nagmamahalan, kaysa sabihing walang bisa ang kanilang pag-iisang-buhay dahil na-annul ang marriage. Biro mo, naka-limang anak na, e wala naman palang saysay ang kanilang pinagsamahan in the first place.

 

     Pero higit doon, ang esensya ng pag-aasawa ay wala sa sanctions ng Simbahan. Marriage is a communion of passion and purpose. At kung naglaho na ang pag-ibig at pangarap, kahit magsama pa hanggang sa kabaong ang mag-asawa, sila ay hindi na totoong kasal.

 

     Konswelo de moñumento ng CBCP, hinahayaan naman daw ang mga pari na mag-exercise ng pastoral discretion sa pagpapatupad ng ban na ito. Kung ganun nga, balikan natin ang esensya ng komunyon mismo.

 

     Ito ay hindi palatandaan ng kung sino ang may karapatan na makisalo sa katawan ni Kristo. Ito ay paalala sa atin ng Passover (Exodus 12), kung saan pinalaya ng Diyos ang mga tao sa pagkaalipin. At lalong hindi ito dapat maging isang sakramento bilang kasangkapan ng Simbahan upang lalo pang alipinin at alipustahin ang mga kaanib nito.

 

     Ang dapat nilang itakwil ay ang mga nagsasamantala sa kahirapan ng karamihan, na siya namang mas lalong pinararangalan ng mga simbahan ng may simbahan.

 

     Our creative faith is best nurtured in the life and imagination of real Christian communities. Ke Protestant o Catholic, Buddhist o Muslim, if there is one thing I am very sure of, it is this: the church heirarchy is NOT the real church.

 

     Kung ganito rin lang kahungkag at makamundo ang simbahan, then whether you are single blessed, separated or dessicated, stop going to church, stop taking communion. Hindi natin kailangan ng mga katedral at moske, o obispo at kaparian, o denominasyon at mga sekta, o ritwal ng kasal, binyag at libing, para maging malapit sa Diyos.

 

     Magsimba tayo sa Simbahan ng pagkalinga, pagkakapantay-pantay, pakikipagkapwa, pagkilala sa sarili at pagpapakumbaba.

 

     A, basta, para duon sa mga masalimuot na kalagayan ng mga magugulong mag-asawang nagpupumilit pa ring magsama para lang masabing hindi sila hiwalay, ang sabi nga ng mga Jedi, "May divorce be with you."

 

-----<>-----