|
Hala Bira!
"Panata kay Seņor Santo Niņo," ang uniform na sagot ng mga tao.
Kahit ang mga matatanda ay hindi na matandaan kung kailan nagsimula ang pistang ito. Sari-saring mga alamat ang alam ng mga tao. Kesyo ito ay pagdiriwang nang pagdating ng mga sultan sa Aklan at pakikipamuhay sa mga Aetas. O di kaya paggunita ng matagumpay na pagpigil ng mga nanalakay na Moro sa baybayin ng Panay. O di naman kaya simpleng pakulo lang ng mga Katolikong paring nagpapalaganap ng paniniwala sa relihiyong Kristiano nuong panahon pa ng mga Kastila.
Ngunit kung papansinin ang huling araw ng isang-linggong pista, mukhang nananaig ang relihiyon at nanunuot sa kalamnan ng mga deboto ang seryosong pananampalataya sa pinakamamahal nilang patron.
Naalala ko tuloy ang nanay kong sobrang idol niya si Sto. Niņo. Pati ang maliit naming bakery noon ay pinangalanan niyang Seņor Santo Niņo Bakery. At nang naisipan ng kapatid kong magkaroon ng isa pang bakery sa karatig-bayan, nasermonan ako nang aking i-suggest na pangalan ng bagong bakery ay Junior Santo Niņo.
Apat na oras bago nakaikot ang pagkahaba-habang prusisyon ng mga Santo Niņo. Mahigit dalawang dosenang makikinang na karosa ng Santo Niņong namumutiktik sa palamuti at mga colored lightbulbs. At hindi pa nagkasya ang mga tao sa kani-kanilang "floats". May kani-kaniya pang bitbit na maliliit na imahen ng Santo Niņo ang mga ito. Parang mga favorite at pampered "pet gods" na pagka-ingat-ingat nilang yakap-yakap.
"Mahalaga pa sa pasko, bagong taon, araw ng mga patay at semana santa," ika nga ng isang lolang naka-baro't saya habang kalung-kalong ang kanyang santong taun-taong walang mintis niyang pinaparada "mula nuong dalaga pa ako."
Ayon sa mga deboto, ang dulot ng Santo Niņo ay, unang-una, malusog na katawan. Ngunit mayron din namang nagsasabing swerte sa negosyo at sa lovelife! Speaking of business, tinatayang daang-libo ang dumadayo sa Kalibo upang manood at makipagdiwang sa engrandeng pista.
Pero sa isang katulad kong wala masyadong relihiyon, sulit na sulit pa rin ang okasyon sa mga maghapo't magdamag na street parties. Naglipana sa tabi-tabi ang mga stalls ng mga pulutan at inumin, at walang humpay na rhythmic live music ng mga drums at lyres na tumutugtog ng "Hey Mickey!"
Sa tanang buhay ko, noon lang ako nakaranas ng sumasayaw ang libu-libong mga tao na magkakadikit na ang mga katawan sa sikip. Aliw na aliw at pawis na pawis ako sa "snake dance" kung saan umiikot-ikot at nagkakabanggaan ang mga pinagdugtong-dugtong na mga tao. At para sa isang Pilipinong ugaling mahiyain at pikon, kabaligtaran ito. Uninhibited at walang away kahit nagkakaapakan ng mga paa.
Through the years, may mangilan-ngilan ding pagbabago sa tradisyong ito ng mga Aklanon. Pero hindi ko sukat akalaing may biglang kakaibang bonus ang selebrasyon sa taong ito. Dahil sa araw mismo ng parada at street dancing, napilitang bumaba ang walanghiyang Erap at umalis sa Malacaņang.
Hmmm.. baka nga maybisa rin itong Santo Niņo sa mga national issues. O ano, next year punta tayo sa Ati-atihan! Bakasakaling si Gloria naman at ang tulad din niyang mga oportunista ang mapapatalsik!
-----<>----- |