Entablado


Mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda (sabi nga, from infancy to adultery), ang entablado ay bahagi na ng buhay ng karaniwang Pilipino. Sa aming maliit na bayan ng Maco, Compostela Valley, ang stage ay may napakaraming papel sa community.

 
     Tuwing eleksyon, magsusulputan ang mga gawa-gawang entablado sa kung saan-saang sitio at barangay. "Pag ako ang nanalo, magpapagawa ako ng tulay!"

 

     Kaso, tuyo na ang mga katubigan kaya hindi na kailangan ng tulay sa amin ngayon. Iba na ang script ng mga pulitiko, "Pag ako ang nanalo, itong mga tulay ay palalagyan ko ng ilog!"

 

     At kung medyo madumi na ang laban, "Yang kalaban kong kandidato ay ang sabi ako raw ay supot! Hindi ako supot! Kahit itanong n'yo pa sa misis niya!"


     Tuwing graduation naman, ang stage ay nagiging engrande, tulad ng mga matatayog na talumpati. "Honorable Mayor Domo, Vice Mayor Mayoran, His Holiness Reverend Father Abraham, Principal Pak, District Superman, Extinguished Guests, ensecula secolorum, good morning..."


     Pista, sabong, Miss Maco beauty pageant, holy week, pasko, baylehan (public dance) o barangay meeting, salamat sa entablado. Pantakip sa inip at gamot sa yamot.


     Pero ang pinakamasaya pa rin sa lahat ay tuwing may amateur singing contest. Naku! Uuga-uga yung tatayuan mo kaya, natural, magkaka-stage fright ka. May mga nadudulas sa hagdan habang umaakyat, lumulusot ang paa sa butas habang kumakanta, pinapasukan ng gamu-gamo ang bibig habang halos mapatid-patid ang litid ng leeg sa pagkataas-taas na mga nota...


     Mga notang singtayog ng mga pangarap ng mga nangangarap na magiging Miss Baygon. At ito na nga siguro ang kahulugan ng entablado sa ating mga Pilipino. Isang tungtungan ng katuparan ng mga "career" sa showbiz. At kung papatulan natin ang tinatanong nila kung magtatagumpay nga kaya ang mahabaang run ng Miss Saigon sa Manila, siguro naman. Marami-rami din naman tayong "world class" na artists, ek.


     Pero wala ito sa kalingkingan sa husay at galing ng isang palabas na napanood ko noong Sabado sa Miriam College. Isang kwento ng mga street children na isinadula at ginampanan ng mga batang kalye mismo. Mga bata ito ng Bahay Tuluyan, isang community na kumukupkop ng mga street children. Sa tingin ko, walang halong palubagloob, mas professional umarte ang mga batang aking napanood kaysa pinaghalong buong cast ng Miss Saigon. Dahil siguro hindi naman sila umaarte lang.


     Art, ika, ang stage, sabi. Pero sa katulad kong complete idiot sa ballet and classical theater, ang entablado ay hindi lamang tungtungan ng mga careers. More importantly, ang stage ay pahayagan ng realidad.

 

     At ang mga palabas dito ay di hamak na world class din ang scope: Gutom, kawalan ng tirahan, child abuse, criminalization, militarization... How closer to world class can you get, than that.

 

-----<>-----