|
Binoto Mo Kasi
T-shirts. Isa sa masasabing mahusay na naisip ng taong gawin. Masarap sa katawan.
Magaang, madaling labhan, hindi kailangang plantsahin. Kahit wala kang pera,
hindi halata pag naka-T-shirt ka dahil ang dami naman ding naka-T-shirt.
Pangmatanda, pambata, pambabae, panlalaki, pangbakla. Bagay sa pangit, bagay sa
maganda. Pangprotestante, pangkatoliko. Pangsosyal, pangmasa, pangmataba,
pangpayat. Pang maka-Alaska, maka-Purefoods at lalo na sa mga maka-Ginebra.
Pambahay, pamporma, pang-eskwela, pang-inuman, pang-opisina, panligaw,
pamunas-uhog, pang-sports pa.
Kung may 8th wonder of the world, ang iboboto ko ay ang T-shirts. May naka-T-shirt
sa Australia, sa Amerika, sa Europa, sa Tsina, sa mga bansang komunista,
kapitalista, sosyalista. Alam na alam ko ito dahil nakita ko na ang halos lahat
ng siyudad sa daigdig. Sa Encyclopedia nga lang.
Bagay sa mga balat kayumanggi, puti, dilaw, itim. Bagay sa mga singkit, mulat,
sakang at pike. Maging sa mga liblib na lugar, may naka-T-shirt. Dito sa ating
bansa, may Mangyan, Mandaya, Igorot na naka-T-shirt na bagay sa bahag at iba
pang katutubong suot. Kaya kung may matatawag na "costume of the world", T-shirt
na iyon.
Sino nga ba ang naka-imbento ng T-shirt? Kung alam ninyo ay sulatan n'yo ako sa
granada@laguna.net (dating email address, ngayon ay
garygranada@yahoo.com na po) at ang
unang limang matitinong sagot ay bibigyan ko ng CD ni Gary Granada. Magaling 'yun!
Pwede ring ang CD ay may kasamang kiss, magdagdag lang ng sampung piso.
Kagaya ng pag-ibig, great equalizer nga ang T-shirt. Pero ang pinakagusto ko sa
T-shirt ay ang pagiging medium nito para sa mga ideyang pang- T-shirt. Dapat
siguro ay pag-aralan sa masscomm ang medium na ito, kahit tatlong units lang.
Kasi ang T-shirt ay nagiging institusyon na ring ginagamit sa kampanya, sa
eleksyon at sa projection ng mga projects. Think Green, Equality Sexuality,
Farms Not Arms.
May nakita pa akong
T-shirt nakalagay Tingnan Mo sa Likod, tapos sa likod TIngnan Mo sa
Harap. Bilib na bilib ako sa mga malilikot ang isip na gumagawa ng mga ganito. Ang
tingin ko, ang mga taong ganito ay basically mga alaskador na optimists. At
malaki ang kanilang nagagawa para pagaanin at pagandahin at minsan pa nga ay
palalimin ang buhay. Noong ako ay nasa college pa, six or seven years ago,
mayron akong favorite na T-shirt na may nakasulat na I may be dumb, but I
don't jog!
And, speaking of T-shirts, true story po ito. Sa isang opisina sa UP Los
Baņos, si Godo ay may nakasulat sa T-shirt na Binoto mo kasi! Nung makita
ni Godo ang utility person nila, inalaska ito at sinabi na nga, "O ano, Mang
Bert? Binoto mo kasi!"
Aba, nag-react si Mang Bert at sumagot nang mabigat,
"Kahit ganito ang trabaho ko at konti lang ang pinag-aralan ko, hindi ako
tatanga-tanga na boboto doon ano!!" Sa lutong at lakas ng bitaw ni Mang Bert,
hagalpakan ang opisina.
Ang kaso mo, huli na nung maisip ni Godo at Mang
Bert na kinampanya pala ng Boss nila (propesor pa man din) yung hindi nila
binoto. At sa hinaba-haba ng prusisyong ito, yun lang din po ang gusto kong
sabihin:
BINOTO N'YO KASI!
-----<>-----
|