Ang Kutsilyo, ang Kutsara at ang House Arrest

 

Para saan daw ika ang tenga? Pandinig, natural. Pero sabi ng aking reliable source, may at least limang gamit daw ang ating tenga. Sige, isipin nyo muna kung anu-ano.

 

     Para daw kutsilyo yan. Hindi lang panghiwa. Pwede ring pangsungkit ng drawer na naipit. Pangpihit ng turnilyo pag walang screwdriver. Pwede rin pambutas ng lata ng gatas. Pangbukas ng lata ng sardinas pag walang can opener. Pantuklap ng mga takip. Pangtasa ng lapis. Pansungkit ng lupa sa kuko. Pantibag ng bloke ng yelo. Panghasa ng kapwa kutsilyo.

 

     Ganun din ika ang kutsara. Hindi lang ito pangsandok ng pagkain. Ito'y panghiwa rin ng makunat na tocino. Pandikdik ng tabletang kailangang pupugin. Pangpipi ng bawang. Pangtiris ng kuto, ngek. Pangkuraw ng kape. Panlagay sa baso para wag ito mabasag sa init ng tubig. Pang klengkleng ng kopita para mag-kiss ang bagong kasal. Pantuklap din ng takip ng lata ng pintura o di kaya'y La Pacita biscuit. At pang-jamming.

 

     At sa karaniwang maghapon ng karaniwang Pilipino, ang gunting ay ginagawang nail cutter, ang nail cutter ay ginagawang pliers, ang pliers ay ginagawang martilyo, ang martilyo ay ginagawang palitada, ang palitada ay ginagawang pala, ang pala ay ginagawang itak, ang itak ay ginagawang staple remover, ang staple remover ay ginagawang panglinis ng kuko, ang kuko ay ginagawang fly swatter, ang fly swatter ay ginagawang pampaliyab ng apoy, ang apoy ay ginagawang lighter at ang lighter ay ginagawang kandila at winawagayway sa concert o sa rally.

 

     At ang house arrest ay ginagawang solusyon sa lumalalang krisis sa housing. Ang problema ng mga maralitang lunsod ay ang kawalan ng desenteng matitirhan. At kung mayron mang matitirhan, araw-araw kinakabahang baka bigla na lang sugurin ng mga demolition units. Pabahay at seguridad nito. Yan ang totoong kailangan ng mga mahihirap. Mga 1.5 million low-cost housing units ika ang backlog ng gobyerno dito.

 

     Pero ano ang solusyon ng pamahalaan? Para huwag na ikang magdamdam ang mga mahirap, pagbigyan na ang house arrest ni Erap. At kung hindi pa sapat yun, magpamudmod din ng mga goodies sa mga squatter areas para mahalina ang mga mahihirap kay Ate Glo. Sa totoo lang, hindi na kailangan pang i-house arrest si Erap. Naka-aircon na nga ang mag-amang akusado sa special na bahay sa Sto. Domingo, pagagawan pa ni Gloria ng isa pang special na bahay sa tabi ni Veterans Hospital!

 

     Dalawang maling senyales ang dating nito sa atin. Una, hindi totoong pantay-pantay ang mahirap at mayaman sa harap ng batas. At ikalawa, hindi seryoso ang gobyerno sa pang-ungkat at pagtugon sa mga totoong suliranin ng mga mahihirap. Dahil kung talagang totohanan ang intensyon nitong tumulong, sana nagdeklara na ng moratorium sa mga demolitions si Gloria, at nagpasimula ng mga on-site housing programs.

 

     Sa madali't sabi, hindi totoong nakikinig ang gobyernong ito sa sentimiento ng publiko.

 

     Kaya balik tayo sa tenga. Ang apat pang gamit ng tenga ay kabitan ng hikaw, sabitan ng antipara, ipitan ng lapis ng mga karpintero at suksukan ng bente singko ng mga sutil! At kung pipilitin pa talaga, pampaunlad din ng industriya ng cotton buds.

 

-----<>-----