Ang Hindi Tinuturo sa Conservatory

 

A basta, idol ko si Yoyoy Villame nuong araw pa. Mayron ako noong songbook ng kanyang mga kantang Bisaya, kasama yung mga kantang "Kinabuhing Bol-anon" (buhay Boholano), "MB Liner" (isang bus line na kung saan dati siyang konduktor), "Batol op Mactan" na ang last two lines ay "Batol kini, hindi gera, kini ang batol, batol botelya!"

 

     Sa mga Tagalog, mas kilala siya sa mga kantang "Magellan", "Granada" at "Pioneer Epoxy". Mga komposisyong pinagtatawanan ng mga lehitimo at mga nakapag-aral na mga experto sa music.

 

     Mayron pa akong isang kaibigang hindi ko masyadong idol pero pwede na rin. Ang pangalan niya ay Ato Mariano. Ethnic-ethnic ek ang kanyang trip, pero masayang kabiruan si Ato. Down to earth talaga, pati sa itsura. Mukhang gustong-gusto siya ng mga lupa at alikabok. Isang araw, isang experto ng music ang nagpayo sa kanyang pumunta sa U.P. College of Music para "magpa-authenticate". Para masabing ang kanyang musika ay lehitimong katutubong ethnic-ethnic ayon sa mga dalubhasa. Kungbaga sa commercial, "Magpa-authenticate ka, sister!"

 

     At dito na nauwi ang lovers' quarrel nina Redentor Romero at John Lesaca. Ayon kay Redentor, si John ay isang "violin illiterate" at ang mga kasapi ng Asosasyon ng Musikong Pilipino (AMP) ay mga "mediocre, stupid and idiotic". Hehehe. Paano na lang yung mga trying-hard ding mga musikerong ni hindi man lang nakakahalatang "illiterate" pala si Lesaca? O gaya kong walang "k" na maging miembro ng AMP o OPM?

 

     Di bale, marami-rami naman din sila, kahit pano. Nandiyan pa rin ang Jerks, Ang Grupong Pendong, si Noel Cabangon, Jess Santiago at ilan pa. And I beg the genius Mr. Redentor Romero, who likes to refer to himself as the nation's only international conductor, to reconsider his framework.

 

     May mga musikerong ang baon lamang ay iilang simpleng tipa sa gitara at kadalasa'y hindi pa alam kung ano ang pangalan ng mga chords na yun. Literal musical illiterates. Ngunit naiintindihan nila na ang papel na ginagamit upang sulatan ng lyrics (or musical score for that matter) ay galing sa puno.

 

     At ang puno ay galing sa lupang pinagpapagurang linilinang ng mga magbubukid na hindi rin marunong bumasa ng music sheet, o hindi lang talaga marunong bumasa, period. Ang air-conditioned na tanghalan, ang carpet, ang mga gulong ng magagarang kotseng naghahatid ng mga classical conductors sa CCP ay gawa ng mga manggagawang laging dinadaya sa sahod at hindi alam ang "La Traviata" at "La Boheme".

 

     A, basta, idol ko si Yoyoy Villame. Minsan daw pinakanta siya ng music teacher ng "solfeggio" (sosy pakinggan no?). Ito yung kumakanta ka na sa halip na lyrics ay "sol-fa" syllables ang ginagamit, gaya ng sa Sound of Music na kantang Do-Re-Mi: "do-mi-mi mi-so-so, re-fa-fa la-ti-ti". Na ang ginawa naman ni Yoyoy ay: "ti-fa-fa mi-so-so, mi-ti-ti mi-do-do".

 

     Not taking love of music, nay, rather love of self, too seriously. Yan ang hindi natututunan sa Conservatory. Sa totoo lang, akala ko noon si Tchaikovsky ay isang Tae Kwon Do master. Kailan ko lang nalamang Kung Fu pala.

 

-----<>-----