|
Alam mo ba kung bakit pango ang iyong ilong?
Ang kwentong ito ay kwento pa ng aking tatay. Madalas niyang kinukwento sa akin
dahil madalas kong tinatanong kung bakit ang aking ilong ay kakaiba sa mga
nakikita ko sa sine. Sinikap ko na lang na makapag-aral ng college para daanin
ko na lang sa dating. Ngunit nang makick-out ako sa U.P., gumuho na nang tuluyan
ang aking pag-asa na magkaroon ng career sa showbiz. Hanggang sa makilala ko si
Heber Bartolome..
Noong bata pa si Sabel, ang mga tao ay wala pang mga ilong. Ang ulo ay basta may
dalawang mata, isang bibig, dalawang tenga at dalawang maliit na butas sa ibaba
ng dalawang mata. Actually, ilong na talaga ang tawag nila sa mga butas na iyon,
hindi nga lang nakausbong na kagaya ngayon. Maganda ang pakikitungo ng mga tao
sa isa't isa at walang nalalait dahil pango.
Mas madali ring maglinis ng mukha dahil isang pasadahan lang, nalilinis na ang
mga lumalabas sa mata at ilong. At pag naghahalikan ang mga magkasintahan ay
hindi sumasakit ang leeg nila dahil walang nakausling ilong na dapat iwasan.
Mahirap nga lang malaman kaagad kung ang isang tao ay umiiyak o may sipon lang,
at may ilan ding namatay nung bago pa lang maimbento ang shower. Pero maliit na
bagay yun kung ang kapalit naman ay tunay na pagkakapantaypantay.
Ngunit may mga makapangyarihang taong hindi kuntento sa pagkakapantaypantay.
Binigyan nila ng kapangyarihan ang mga korporasyon na putulin ang mga puno at
minahin ang mga lupa nang walang pakundangan. Kahit walang public consultation,
binibigyan sila ng clearance at permit ng Department of Environment and Natural
Resources gawa ng mga peke at dinoktor na environmental impact assessment.
Hanggang sa napinsala ang kalikasan at nagkaroon ng acid rain na masakit sa mata
at ilong. Nasira ang mga dating malinaw na mga mata at nagkakasakit ang mga tao
dahil sa usok at lason na nalalanghap sa araw-araw. Kaya nagkaisa ang mga taong
magpetisyun kay Bathala upang bigyan sila ng ilong para pantakip laban sa
maruming hangin at pansalo ng salamin na kinakailangan ng mga matang lumalabo.
"Bukas na bukas din," ang wika ni Bathala, "magpapadala ako ng pantakip ng ilong. Ilong din
ang inyong itatawag dito para maaalala ninyo palagi na dapat ang tao ay
pantaypantay."
Tuwangtuwa ang mga tao. Ang iba ay maagang natulog para maagang magising
samantalang ang iba ay nagdiwang at nag-inuman nang magdamagan. Pag tilaok ng
manok, trak trak ng pagkaganda-gandang mga ilong ang dumating sa plaza.
Ngunit alas onse na nang magising ang mga nalasing at ang inabutan nila ay
pinagpilian at napag-apak-apakan na. Ano pa nga ba ang gagawin kundi pumulot ng
isa, ipagpag sa tabi, ikabit sa mukha at sabay sabing, "Pwede na ito!"
"At," ambag ng tatay ko, "isa na roon ang lolo mo."
At magmula noon, ang ilong na dating nakikita ay hindi na nakikita. At ang
hangin naman na dating hindi nakikita ay nakikita na.
-----<>-----
|