|
Aanhin pa ang damo..
Malayo ang patay namin, nasa Mindanao, kaya tuwing Todos Los Santos at Araw ng
Patay ay nagpapaikot-ikot na lang ako sa Maynila. Masarap ang pakiramdam ng
kahit minsan sa isang taon ay walang trapik! Pati traffic lights patay.
"Binuhay" ko ang radyo. (Napangiti ako ng bahagya sa
yaman ng bokabularyong Pinoy, at naalala ko yung kwentong may nasunog daw na
bahay dahil inutusan ng lola ang isang apo na "sindihan" ang radyo.)
Puro jokes tungkol sa patay ang pinagkatuwaan ng announcer. Kesyo raw may aleng
dumalaw sa sementeryo at napansing nakasulat sa puntod ang pangalan ng isa
nitong kaklase. "Namatay na pala si Apolinarya? Ano'ng kinamatay?"
"Na-rape ho," kibo naman ng sepulturero.
"Santisima Trinidad! Ganun ba?"
"Ayan ho, o, nakalagay
RIP."
Noong dumalas na yung corny, nilipat ko na sa ibang istasyon at mayrong
inireport na nag-aaway sa La Loma cemetery dahil sa saranggola! Naasar yata yung
pulis sa magkasintahang nagpapalipad ng saranggola at sinita ito. Hanggang sa
nagka-initan at ganun na nga, nag-away ang mga husto sa bait at sapat sa gulang.
Tumimo sa loob ko ang pangyayari na parang napaka-profound ek. Sa isang
kulturang sobra-sobra ang pagpapahalaga sa mga patay, kapos na kapos naman ang
pagpapahalaga sa mga buhay. Pag pinag-usapan natin ang mga patay, lahat ng
mabubuting katangian lang ang binabanggit. Napaka-forgiving nga raw natin as a
people.
Pero napaka-intolerant at war freak naman din sa mga
taong kasama pa nating nabubuhay sa mundong ibabaw. Ang ating mga libingan ng
mga mahal sa buhay ay nakabakod, hindi para mag-ingat sa mga patay kundi para
mag-ingat sa mga buhay!
At naalala ko ang kasabihang, aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo. Ika
nga, huwag nang antayin pang pumanaw ang mahal sa buhay bago ipadama ang
malasakit. Dahil tiyak na mas matimbang ang limang nakaliligayang kataga na
nasabi natin habang sila'y nasa ating piling kaysa limang daang salita at
panalanging namumulaklak sa papuri ngayong sila'y wala na.
Syut na syut sa lubak ang kaliwang gulong sa harap ng aking lumang pick-up at
ako'y nagising uli sa katotohanan. Binalikan ko ang corny na announcer. Kesyo
raw naaksidente itong si Rosanna Roces galing sa Star Awards at pumunta kay San
Pedro na suot-suot pa yung suot niyang makapanindig balahibo at iba pa. "A, doon
ka sa impyerno, Osang, sorry ha. Pero atin-atin lang, fans mo ako," ang pa-cute
ni Pedro sabay himas sa kanyang tandang.
"Aba, hindi pwede! Sa langit ako!"
"Kung talagang para ka sa langit, tatawid ka dito sa tulay na tinatayuan ko
papuntang pintuan ng langit. Pag may masama kang isip, ganun din yun, guguho ang
inaapakan mo at mahuhulog ka rin sa umaapoy na ilog!"
"A, basta, sa langit ako, tatawid ako sa tulay na iyan!" At tumawid nga itong si
Osang sa tulay ng mga banal. Maya-maya may kumalabog, blag! At nahulog si San
Pedro.
-----<>-----
|