|
LEÁN: Isang
Dulang Musikal
Tom Agulto Pilosopong Tasyo
8Sep97 p.29-31
Sa ika-10 taon ng kamatayan ni Lean Alejandro, isang dulang musikal ang
pinag-abalahan ng Lean Alejandro Foundation. Naitatag ang samahang ito
noong 1990 upang panatilihin sa puso ng kabataan ang diwang makabayan ni
Lean Alejandro na pinaslang noong Setyembre 19, 1987 sa harap ng opisina
ng Bagong Alyansang Makabayan.
Mula sa libreto at komposisyon ni Gary
Granada, ang Lean ay bibigyang buhay sa tanghalan ni
Chikoy Pura.
Si Chikoy ay isa ring batikang musikero
at mang-aawit; vocalist at bandleader ng The Jerks. Kasama ring gaganap
bilang Lidy, asawa ni Lean, si Cooky Chua, premyadong mang-aawit at
may platinum record dahil sa album na Hand Painted Sky.
Kasama sa produksiyong ito bilang musical
directors sina Mike Villegas ng Rizal Undeground, kompositor at naging
NU's Best Rock Guitarist noong 1995; at si Noel Cabangon, musikero at
kompositor na siya ring nagtatag ng bandang WEN'A.
Ang Lean ay mula sa
direksiyon ni Paul Morales ng PETA at Dulaang Talyer, tinanghal na
Outstanding Young Artist ng Travel Time noong 1996, at dating miyembro
ng Philippine Ballet Theater.
Ang produksiyong Lean ay
isang malaking hamon sa sining ng mga tinataguriang alternative artists.
Sa paglahok sa proyektong ito, mabibigyang buhay ng mga musikero ang
paniniwala nila sa ipinaglaban ni Lean. Isang magandang pagkakataon din
ito para maisabuhay nila ang kanilang sining ayon sa prinsipyong kanilang
pinaniniwalaan. Malaking tulong sa mga musikero ang ganitong produksiyon
mula sa paglulumagi nila sa magdamagang kantahan sa pinagtatanghalan
nilang mga restaurants kundi man mga beer houses.
Mula sa pagpupursige ni Gary Granada,
ang Lean ay nasimulan at naitulak para patuloy na
maiparating sa kabataan ang diwang makabayang naging mitsa ng buhay ni
Lean tungo sa sariling kadakilaan.
Sasaklaw ang dula mula sa pagkamulat ni
Lean at paglahok sa aktibismo noong 1979 sa Unibersidad ng Pilipinas.
Tutuhugin nito ang personal na buhay ng isang kabataang mahigpit na
nakakawing sa lipunan at kasaysayan ang sariling buhay bunga ng masidhing
pagmamahal sa kapwa at sa bayan.
Bahagyang lumagpas lang si Lean sa edad
na 20 anyos nang sumuong ang aktibismo. Mula sa sektor ng kabataang
estudyante, tumanyag siyang lider at nakahanay nina Lorenzo Tañada,
Jose W. Diokno, Ambrosio Padilla, at Don Chino Roces sa pagbaka sa pasistang
diktadura ng gobyerno ni Marcos. Sapat na dahilan para ikumpara si Lean
sa kagitingan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kung noon ay may
KKK, ipinagpatuloy ng mga kabataan sa panahon ni Lean ang adhikain ng
Katipunan.
Masipag, palaaral at matalas mag-isip,
si Lean ay mapagbiro, maalalahanin at 'ika nga'y may pusong mamon.
Ipinanganak si Lean noong Hulyo 10, 1960
sa Malabon, Metro Manila. Nagtapos siya ng mababang paaralan at mataas
na paaralan sa St. James Academy na pinamamahalaan ng Maryknoll Sisters.
Noong 1978, kumuha siya ng kursong B.S. Chemistry at nang lumaon, siya'y
naging manunulat sa Philippine Collegian.
Naging ehemplong lider sa kampus, siya'y
nahalal na Chairperson ng UP College of Arts and Sciences Student Council;
at naging Chairperson ng University Student Council noong 1983. Sa taong
ding iyon, siya ang kauna-unahang Kinatawan ng mga mag-aaral sa UP Board
of Regents mula nang ipataw ang Batas Militar.
Nakasama si Lean ng mga demokratiko at
makabayang lider sa pag-oorganisa ng mga samahan ng iba't ibang sektor
ng mamamayan laban sa diktadura. Kasama ng matatandang makabayang tulad
nina Jose W. Diokno at Don Chino Roces sa pagbuo ng PEOPLE'S MIND, isang
alyansang nanguna sa kilusang boycott noong eleksiyong pampanguluhan na
ipinatawag ni Marcos.
Kasama rin si Lean nang itatag ang
Nationalist Alliance for Justice, Freedom and Democracy noong 1983.
Katulong din siya sa pagtatayo ng Justice for Aquino, Justice for All
(JAJA) matapos patayin si Ninoy Aquino.
Noong 1985, si Lean ang nahalal na
Sekretaryo Heneral ng Bagong Alyansang Makabayan na pinamumunuan ng mga
beteranong Senador: Lorenzo Tañada at Ambrosio Padilla.
Kumandidato si Lean sa Kongreso noong
1987 sa distrito ng Malabon-Navotas. Nang siya'y matalo sa eleksiyon,
nagpatuloy siyang namuno sa mga kilusang makabayan hanggang sa oras ng
kanyang kamatayan sampung taon na ang nakararaan.
Ang kanyang kamatayan ay pumuno sa mga
ulo ng balita ng mga pahayagan maging sa ibang bansa. Sa kanyang libing,
nagmartsa ang daanlibong mamamayan bilang pakikiramay at protesta laban
sa katatayong pamahalaan ni Cory Aquino. Si Aquino, na naluklok sa
Malacañang dahil sa People Power sa EDSA. Isang pag-aalsang
panimulang bunga ng mahabang pakikibaka para sa bayan ng kabataang tulad
ni Lean Alejandro.
Itatanghal nang 15 beses sa UP Theater
sa Diliman, Quezon City, ang Lean ay mapapanood mula
Setyembre 17, 18, 19, 20, 21 at Nobyembre 21, 22 at 23. Magkakaroon ng
10 pagtatanghal sa gabi at limang beses sa panghapon. |