<4:15>

Kapag Sinabi Ko sa Iyo

 

TO DOWNLOAD MP3, RIGHT CLICK HERE & SAVE TARGET

TO DOWNLOAD MINUS-ONE, RIGHT CLICK HERE & SAVE TARGET

 

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y minamahal

Sana’y maunawaan mo na ako’y isang mortal

At di ko kayang abutin ang mga bituin at buwan

O di kaya ay sisirin, perlas ng karagatan

 

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y iniibig

Sana’y maunawaan mo na ako’y taga-daigdig

Kagaya ng karamihan, karaniwang karanasan

Daladala kahit saan, pang-araw-araw na pasan

 

Ako’y hindi romantiko, sa iyo’y di ko matitiyak

Na pag ako’y kapiling mo kailanma’y di ka iiyak

Ang magandang hinaharap sikapin nating maabot

Ngunit kung di pa maganap, sana’y huwag mong ikalungkot

 

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y sinisinta

Sana’y yakapin mo akong mulat ang iyong mga mata

Ang kayamanan kong dala ay pandama’t kamalayan

Na natutunan sa iba na nabighani sa bayan

 

Halina’t ating pandayin isang malayang daigdig

At nang doon payabungin isang malayang pag-ibig

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y sinusuyo

Sana’y ibigin mo akong kasama ang aking mundo